ni Michael G. Aurelio
Bakit mahilig ang Pilipino sa boksing?
Dahil magaling tayo sa boksing. Nariyan sina Gabriel “Flash” Elorde, Pancho Villa, Luisito Espinosa, Rolando Navarette at ang kasalukuyang pound-for-pound king na si Manny “Pacman” Pacquiao—mga patunay sa husay at galing ng Pilipino sa isang larong habang napakahirap at napakadugo, tila napakasimple pa rin at napakatamis.
Simple ang boksing. Kailangan mo lamang ng dalawang magkalaban at hayaan mo silang magsuntukan. At suntukan lang naman talaga ang diwa ng boksing: wala nang kailangan pang mga salita, at wala nang ibang layunin kundi patumbahin ang kalaban sa pamamagitan ng ating pangunahing sandata, ang mga kamaong biglang nakakasa. Pinakamadaling paraan ang suntukan upang tapusin ang anumang away. Kaya may mga nagsusuntukan sa klase o sa kalye, sa pihitan o sa Emba, tungkol sa dignidad man o babae. “Mano mano,” “square tayo,” “nang magkaalaman na tayo.” Hindi naman siguro tayo madalas makarinig ng dalawang nagkainitan na maghahanap pa ng espada para malaman kung sino ang mas magiting o chess board kung sino ang mas matalino’t malalim.
Kapag dumating na sa suntukan, walang duda, lalaban at hindi tatakbo ang Pilipino. Ngunit hindi naman ito dahil sa marahas tayo; alam ng lahat na tayo’y sa kalikasan ay marahan at mapagpasensya, mapayapa at palangiti pa—kahit pa iniisahan na, kahit nga inaabuso na. Magaling ang Pilipino sa boksing dahil magaling din tayong makipagbunuan sa isa pang napakahirap sabay napakasimpleng labanan na sa buhay naman tinatanghal.
* * *
Inilahad sa Time Magazine (“The Meaning of Manny” noong ika-16 ng Nobyembre 2009) ang ilang bahagi ng makulay na talambuhay ni Manny. Ayon sa sanaysay ni Howard Chua-Eoan at Ishaan Thardoor, isinasakatawan ni Pacquiao ang pinanggagalingan at—mas mahalaga—mga pangarap ng karamihan nating mga Pilipino.
Lumaki si Pacquiao sa hirap. Tindera ng gulay at manggagawa sa pabrika noon ang kanyang ina na si Dionisia. Nahirapan buhayin ng ina ang kanyang anim na anak. Upang tumulong pakainin ang kanyang mga kapatid, tumigil sa pag-aaral si Manny noong siya’y katorse. Tapos gumawa siya ng isang plano: lilisan siya ng General Santos at makikipagsapalaran sa Maynila, gaya ng di mabilang na mga Pilipino sa probinsya na naghahanap din ng mas magandang kapalaran.
Dahil alam niyang wala siyang ibang alam at hilig kundi boksing—lumalaban na siya noon sa Gen San at kung manalo’y kumikita ng isang daan—naghanap si Pacquiao ng iba’t ibang pagkakataon upang lumaban pagkatapos niyang subukan maging manggagawa. Nagsimula siyang lumahok sa mga palaro sa baranggay (ilegal pa nga raw, parang sabong na walang permiso). Ngunit dahil malinaw sa kanya kung bakit siya pumunta ng Maynila, pagkatapos ng higit-kumulang tatlong taon naging propesyunal na boksingero si Manny.
Sa kanyang unang laban na ipinalabas sa programang Blow by Blow sa telebisyon noong 1995, ipinakita na ng labimpitong gulang na kaliwete ang lakas ng kanyang suntok at bilis ng mga kamay—ang kanyang magiging mga pangunahing sandata na gagamitin laban sa mga mas malalaking boksingero na kanyang haharapin. Nasungkit ng baguhan ang una niyang panalo sa pamamagitan ng isang desisyon. Mula noon tutumba na ang karamihan sa mga makakalaban ni Pacquiao (50 panalo–3 talo–2 tabla–38 pinatumba).
Habang kapansin-pansin noong simula pa lamang ang mga likas na talento ni Manny, nahalata rin ng marami na wala siyang gaanong teknik o depensa kaya naman madalas rin siya kung tamaan. Magiging mahalaga sa pagpapatalas ng galing at pag-usbong ng kanyang karera ang gabay at tiwala na ibibigay ni Freddie Roach sa 2001. Pagkatapos lamang ng isang oras ng ensayo kasama si Manny sa una nilang pagkikita, pumayag si Roach na maging tagapagsanay ng boksingero na nais pang matuto.
Sa tulong ni Roach, mabubuksan ang mga pinto para kay Pacquiao sa darating na mga taon. Kanyang makakaharap ang ilan sa pinakatanyag na mga pangalan sa daigdig ng boksing. Makakalaban niya mula 2003 sila Marco Antonio Barrera, Erik Morales, Juan Manuel Marquez, Oscar De La Hoya, Ricky Hatton at Miguel Cotto—at lahat ay papanalunin niya maliban sa isang hindi malilimutang pagtatagpo nila ni Morales noong 2005. Sa huling laban niya kay Cotto, tumimbang ng 147 libra si Pacquiao—mga 40 na libra lagpas sa timbang niyo noong una siyang naging propesyunal. Si Pacquiao ngayon ang tanging boksingero sa kasaysayan na nagkamit ng pitong kampeonato sa kasingdaming weight class.
Ang palangiting boksingero na dati’y natutulog sa kahong de karton sa mga lansangan ng Maynila ay nag-uwi ng humigit-kumulang P2.5 bilyon mula sa tatlo niyang huling laban. Nagpahayag na rin ang pambansang kamao na siya’y tatakbo bilang kinatawan ng Sarangani sa darating na pambansang eleksyon upang subukan sa labas ng ring ang kanyang tapang at galing. Artista na rin pala si Mommy Dionisia.
* * *
Isang maliit na puwang lamang ang kailangan upang makalusot ang isang suntok. Isang pagkakataon lamang ang kailangan ng karamihan nating kababayan upang makaahon sa kahirapan. Isang dumadagundong na sapok lamang ang kailangan upang patumbahin ang kalaban. Isang tahimik na pagpapakita lamang ng kabutihan ang kailangan upang maparamdam sa mga nangangailangan na hindi pa rin naman natin sila iiwan. Isang laban ni Pacman lamang ang kailangan upang ipakita na kayang maghari ng Pilipino sa daigdig. Isang laban lamang ni Pacman ang kailangan upang maghari ang kapayapaan sa kapuluan kahit sandali.
Kung si Pacman nga ang tumatayo para sa ordinaryong Pilipino, hindi ordinaryo ang Pilipino kung sa gayon. Bagaman maaari nga tayong mabulol sa Ingles, sa sipag, abilidad at tiyaga naman natin malinaw na naipapahayag kung sino tayo sa mga banyaga. Bagaman maaari nga tayong masilaw sa salapi o katanyagan o kapangyarihan, alalahaning nanggagaling naman kasi tayo sa wala, at ang kayamanan lamang naman natin ay mga pangarap sa simula. Bagaman maaaring marami sa atin ang hindi nakapagtatapos, tandaan na hindi sumusuko ang Pilipino hanggang hindi naririnig ang batingaw sa katapusan.
Ang kakayahang maging malakas ang kalooban at manatiling matibay ang pananampalataya sa gitna ng mga bagyo ng suntok at sapok na itinatapon sa atin ng buhay ay lagpas sa anumang makamundong kaalaman o agham. “Hindi ako bobo,” ilang ulit na sinabi ni Pacman sa kanyang panayam sa Time. Dahil kapag dumating na sa matamis na agham ng boksing o sa mapait na laban ng buhay Pacman knows.

No comments:
Post a Comment