Isang maliit na detalye sa paglalarawan ni Padre Roque Ferriols sa pilosopong Thales ang katawag-tawag ng pansin:
"Isang araw daw naglalakad [si Thales na] nagmamasid ng mga bituin. Sa tindi ng kanyang pagtatanaw nakaligtaan niya na may balon pala sa kanyang pinagpapasyalan. Nahulog siya at isang dalagang taga-Thrakia ay napabungisngis [nang] husto.
Nang huwag mapahiya ang pilosopiya, minabuti niyang mag-astrolohiya. Tagsibol noon at nakita niya sa mga bituin na pagsapit ng taglagas magiging bunton-bunton ang ani ng olibo. Kaya't pinasya niyang bilhin ang lahat ng mga gilingan ng olibo sa bayang iyon. Sa kasariwaan ng tagsibol walang nag-aabalang umantabay sa taglagas. Binili niya [nang] murang-mura ang lahat ng gilingan. Noong sumapit na ang taglagas, siya lamang ang may gilingan. Pinagbili niya [nang] mahal na mahal. Hindi niya ito ginawa dahil sa tubo kundi upang matahuan ang madla na hindi laging tanga ang pilosopo." (Sinaunang Griyego, 8)
"Hindi laging tanga ang pilosopo." Isang malaking hamon lagi ang makakuha ng maraming magmemejor sa pilosopiya, (at gayon na rin sa Humanidades!). Marahil dahil sa matinding pangangailangang makapaglagay ng pagkain sa mesa o para mapalobo pa ang bulsa, hindi kaiga-igaya ang pilosopiya. Ang madalas na tanong ay kung ano ang gagawin ng may diploma sa pilosopiya kapag nakatapos siya. Ang takbuhan ng marami ay abogasya. Ito na ata ang pinakaprestihiyosong maaabot ng philo major. Ang mga talunan, magtuturo, mag-aaral uli, o papasa bilang bankero o sa human resources. May katotohanan yata na tanga lang ang magpi-pilosopiya; walang pera sa pilosopiya.
Subalit, may ibang pinapakita ang sipi sa itaas ukol sa pilosopo. Hindi daw laging tanga ang pilosopo, ika ni Padre Ferriols sa pamamagitan ni Thales. At may dahilan para sang-ayunan ang pagtatayang ito.
Una, sa modernong panahon na matindi na ang pagkakahiwalay ng mga iba't ibang larangan sa isa't isa at masinop na ang espesyalisasyon sa mga gawain, hindi para sa pilosopo ang komersyo at negosyo. Tapos na ang panahong natiyempuhan ni Thales. Mas mainam ang ganitong gawain para sa may galing sa pagpapaikot ng pera at pagmamando sa kumpanya. Ngunit, tanging pilosopo lamang ang makakakita ng kabuuan ng mga hiwa-hiwalay na bahagi ng sales, marketing, production at networking. Ang mata ng pilosopo ang bubuo sa lahat ng magkakaibang kilos na ito bilang isa na may isang pinatutunguhan at layunin. Ang pilosopiya ang magpapaunawa at magpapaalala sa negosyante sa mga dahilan ng pagsisikap at kahulugan ng pagpupunyagi. Ang pilosopiya ang boses ng karunungan na magsasabi sa negosyanteng ginagawa niya ang lahat ng ginagawa niya dahil gusto niyang maging ganap at masaya. Ang pilosopiya ang magbibigay sa tao ng kaganapang hinahanap niya.
Pangalawa, ang pilosopiya rin ang magtuturo sa tao na makita ang kanyang kapwa bilang tao. Malaking bagay ito sa anumang gawaing papasukin ng tao. Kailangan niyang matuto makilahok at makisama. Kailangan niyang matutong makipag-usap mata sa mata kung ibig niyang umangat sa buhay. Maaaring mayroon ang tao ng mga kakayahan upang magpatakbo ng negosyo, ng husay para makapag-opera ng pasyente, ng boses para ipunin ang mga tao para sa isang causa, subalit kung wala siyang puso, ang lahat ng kanyang gagawin ay pawang trabaho lamang, pagsunod sa mga nakatakdang dapat (Job Description/Management By Objectives).
Ito ang mapupulot natin sa mga kwento sa likod ng mga tanyag na mga tao--Cory Aquino, Archbishop Chito Tagle at maging ang hari ng komedya na si Dolphy. Sa mga eulohiya kay Dolphy, sinasabi ng kanyang mga kaibigan kung gaano kamapagpakumbaba ang hari. Marunong daw siya makisama sa mga crew ng produksyon. Kinukumusta raw niya ang mga ito pati na rin ang kanilang mga pamilya--isang pakikipagkwentuhang sinsero, may pagnanais talagang makibalita at makilala sila. Tinuring ni Dolphy ang mga mababang taong ito bilang tao, wala ang pang-uring "mababa" bago ang pagiging tao nila. Totoo na mahusay si Dolphy sa sining ng pagpapatawa, ngunit ang nagpaiba sa kanya ay ang kanyang pakikipagkapwa. At ito nga ang iminumulat ng pilosopiya sa mag-aaral nito.
Sa praktikal na nibel, ang pagturing sa gwardiya, sa waiter, o sa taga-xerox bilang tao ay magbabalik ng hindi matutumbasang sukli. Dahil mabait ka sa gwardiya at kinilala mo siya, sa panahong wala kang ID, labag sa reglamento ng paaralan, palalagpasin ka niya dahil kilala ka niya. Dahil mabait ka sa waiter, bibigyan ka niya ng espesyal na serbisyo. Dahil mabait ka kay Ate Alma, kahit mahaba ang pila sa xerox, uunahin niya ang sa iyo. At hindi ito hiningi sa kanila. Kusa nila itong ibinibigay sa 'yo dahil kilala ka nila, nakikita nilang tinu(tu)ring mo silang tao. Mula sa totoong pakikipagkapwa ang pagbabalik din ng pakikipagkapwa.
Hindi katangahan maging makatao dahil sa huli, mga kapwa tao rin ang makakasalamuha natin, makakasama at magbibigay sa atin ng ating pangalan at titulo. Maaaring magaling (good) ang isang tao sa kanyang sining o propesyon, subalit ang pilosopiya ang gagawa sa kanya na maging dakila (great). Ang kadakilaan ay ipinagkakaloob sa tao ng mga taong kanyang nahipo at pinakitunguhan bilang tao. Hindi magiging mataas ang isang tao dahil lamang sa kanyang husay. Nakakarating siya sa tuktok dahil sa pagbubuhat sa kanya ng mga taong kanyang nirespeto at tinulungan noong siya ay wala pang titulo o pangalan. Walang dakilang tao ang hindi marunong makipagkapwa. Ang dakilang tao ay naging dakila dahil sa kanyang kapwa. Ang pilosopiya ang nagtuturo sa atin na kilalanin ang kapwa.
Hindi laging tanga lamang ang pilosopo. May iniimpok siyang hindi sinasadya, na sa huling sukatan ng moderno at mapanimbang na mga mata, sa pilosopo ang kaganapan at kadakilaan.
Thursday, July 26, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
nice article...
ReplyDelete